Huwebes , alas otso na ako nakauwi, dumaan muna ako sa isang restaurant para mag take out ng dinner kasi wala naman akong madadatnang pagkain sa pad. Konting nood ng TV tapos kain, sa sobrang pagod maaga akong natulog (usually late kasi akong matulog)
Nagising na lang ako na nanginginig ang buo kong katawan . Heto na ang pinakatatakutan ko sa lahat ang magkasakit at mag-isa. Kahit nagdedeliryo ako sa lamig kailangan pa ring tumayo para kumuha ng mas makapal na comforter.
Literal na inaapoy ako ng lagnat noong Biyernes, kaya tawag ako sa work para sabihing mag absent muna ako dahil di ko kayang pumasok. Alas-onse ng umaga ng naalimpungatan ako ulit, nagugutom ako. Ayaw ko mang bumangon pero kailangan kong kumain at uminom ng gamot.
Diretso ako sa ref, naghanap ng makakain. Syet walang pagkain, wala akong choice kundi kainin yung tira ko kagabi, naghanap ako ng gamot wala rin akong makita. Kasalanan ko dahil di ako handa sa mga ganitong sitwasyon. Ang tanga ko talaga. Naiinis ako sa sarili ko.
Binuksan ko ang cabinet para maghanap ng ibang ulam para sa hapunan, pero nandoon lang ang sardinas, boy bawang, pancit canton at batchoy na bili ko pa last month sa Filipino store. Sabi ko pwede na to, dadaanin ko na lang sa water therapy.
Kinabukasan, mataaas pa rin ang lagnat ko. Nanghihina pa rin ako. Doon ko naramdaman na minsan mahirap ang mag-isa. Ang sobrang independent minsan nakakasama din pala. Mahirap tumawag ng kaibigan dito dahil lahat sila, kagaya ko puro trabaho din. Wala kang maasahan kundi sarili mo.
Kahit sasabog ang ulo ko sa sakit, kailangan ko ng bumili ng gamot baka kasi mas lalong akong lumala. Wala rin akong stock ng pagkain, walang tinapay, walang tissue,walang itlog, walang juice, walang prutas.
Wala akong choice kundi mag drive kahit nilalagnat papuntang grocery at pharmacy. Siguro pag nakita nyo ako kahapon , isang tulak lang sa akin matutumba ako sa hilo. Dumaan na rin ako sa Chinese restaurant para mag take out ng makakain. Sawang sawa na ako sa Mcdo.
Ang lungkot ko kahapon, doon ko naramdaman na mag isa ako. Na miss ko pamilya ko, mga kaibigan ko sa Pinas. Ayaw ko namang tumawag, mag-aalala lang sila sa akin lalo na si Nanay. Doon ko naisip na mahirap palang malayo sa mga mahal mo. Lagi ko na lang sinanasabi na kaya ko to, lilipas din ito bukas. Mind power over involuntary body functions kumbaga.
Nalulungkot pa rin ako.
Don't worry, I'll be okay.
COMMERCIAL BREAK
Eto lang yung kaya kong bitbitin, syempre puro juice at prutas.
Masarap sana siya kaya lang di ko malasahan =(
Sabi 'to ng fortune cookie, nasabi ko na lang - kalokohan!
Have a healthy lifestyle everyone!

